Filipino Department
Malinaw na nakasaad sa Kurikulum ng K-12 ang landas ng pangkalahatang layunin sa pagtuturo ng Filipino na makalinang ng isang buo at ganap na Pilipinong may kapaki-pakinabang na literasi. Bunsod nito, ang kakayahan at kalakasan ng bagong kurikulum, ay nakamuhon sa mga layunin gaya ng mga sumusunod: malilinang ng mga mag-aaral sa kursong ito ang pagtuklas ng kaalaman sa kulturang kinagisnan patungkol sa mga akdang pampanitikan at mailapat ang kakayahang komunikatibo sa pagdalumat at pagsusuri sa mga nasabing akdang pampanitikan, midya at teknolohiya gamit ang kanilang kaalamang pangwika. Nakapaloob dito ang mungkahing akdang pampanitikan at mga palabas (Pabula, Alamat, Epiko at Korido, Tula, Balagtasan, Dula at Awit, Maikling Kuwento, Nobela, Balita, Artikulo, Dyornal, Palabas sa telebisyon, Pelikula at Internet) na maiuugnay sa wika. Mapatatalas at higit na mapahahalagahan nito ang mga akdang naglalarawan sa kultura’t kalinangan ng bansa. Mahahasa ang kakayahan ng mga mag-aaral sa pagsasagawa ng mga pananaliksik sa iba’t ibang larang na may kaugnayan sa mga paksang nakapaloob sa isinagawang aralin sa loob ng klase. Mapalalawak at mapahuhusay ang angking talino ng mga mag-aaral sa pagdidiskurso sa mga napapanahong isyu at usapin. Inaasahang magbubunga ito ng pambansang pagkakakilanlan, kultural na literasi at patuloy na pagkatuto upang sa gayon ay hindi tayo mapag-iiwanan, bagkus ay makaaagapay tayo sa mabilis na inog ng mundo kung saan ang mga pagbabagong nagaganap, sa buhay ng bawat tao, pamayanan, bansa, kalakalan, pulitika, at maging sa teknolohiya ay tiyak na masasalamin. Sa kurso ring ito magagamit at mahahasa nang higit ang limang Makrong Kasanayan (Pakikinig, Pagsasalita, Pagbasa, Pagsulat at Panonood) ng mga mag-aaral.