Noong ika-30 ng Agosto, 2019 ang departamento ng Preschool ay ipinagdiwang ang taunang selebrasyon ng Buwan ng Wika na may temang, “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino”. Ang mga bata mula Toddler hanggang Kinder 2 ay hinikayat na magsuot ng baro’t saya para sa mga babae at kamiseta de tsino para sa mga lalaki. Ang programang ito ay binigyan kulay nina Gng. Jonalyn Agarpao at Gng. Gina Lim, bilang mga pangunahing tagapagsalita.
Inumpisahan ang programa sa pag-awit ng pambansang awit na pinangunahan ng mga mag-aaral mula sa Kinder 2- Orange at ito ay sinundan ng maikling panalangin na pinangunahan naman ni Daniela Dela Cruz mula sa Kinder 2 – Melon. Pagkatapos ng panalangin, pinaunlakan din ng aming Preschool Supervisor na si G. Alex Lim ng kanyang pambungad na pagbati.
Upang mas mapahalagahan ang wikang Filipino, tinuruan din ng mga tagapagsalita ang mga bata ng awit pangkultura na may pamagat na “Limang mga Palaka”. Masayang nagsipagkantahan ang mga bata na lalong nagbigay ng sigla sa madla. Sinundan ito ng panunood ng maikling kwento na may pamagat na “Ang Langgam at Ang Kalapati”. Tahimik ang mga bata habang pinanunuod ang kwento. Pagkatapos ay nagkaroon ng pagtatanong tungkol sa kwento at ang nakasagot ng tama ay binigyan ng munting premyo na ikinatuwa na mga bata kung kaya lalo silang naging agresibo sa pagsagot.
Ang sumunod na parte ay ang presentasyon ng bawat klase o pangkat. Ang unang presentasyon ay mula sa Kinder 2 Orange na tumula ng “Ang Ibon”, sumunod ang Kinder 1 Apple na tumula naman ng “Batang Munti”, sinundan ng Nursery Mango na umawit ng “Sampung mga Daliri”. Ang sumunod na nagtanghal ay mula sa Kinder 2 Melon na may tulang “Ako, Ikaw, Tayo”, sinundan ito ng Toddler Banana na umawit ng “Kung ikaw ay masaya”. Ang huling nagtanghal ay mula sa Kinder1 Cherry na tumula ng “Aso Ko”. Buong husay na ipinakita ng mga mag-aaral ang kanilang talento gamit ang wikang Filipino.
Nang matapos ang presentasyon ay simulan na ang palaro na pinakahihintay ng mga bata. Bawat pangkat ay may ibat- ibang klase ng palarong Pilipino tulad ng “Taguan Tsinelas”, “Agawang Panyo”, “Hilahan ng Buntot”, “Agawang Bola”at iba pa. Makikita sa mga mata ng bata ang kasiyahan ng paglalaro na kaakibat sa pagdiwang upang mahalin natin ang sariling wika, ang wikang Filipino. At siyempre hindi mawawala ang meryendang inihanda ng aming paaralan para sa mga bata, ang maruya at gulaman.
Ang pinakahuling programa ay ang pagbigay parangal sa mga nagwagi sa kategorya ng may pinakamaayos na kasuotan at ang mga nagwagi sa ibat-ibang palaro. Matapos ang pagtatanghal, ang lahat ay umuwing masaya daladala ang kahalagahan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.